RODRIGUEZ, Rizal - Bilang suporta sa Halamanan sa Bahay Kalinga na inilunsad noong ika-11 ng Abril, 2022, isinagawa ang Season Long Training on Basic Urban Gardening ng ATI CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Office of the Provincial Agriculturist ng Rizal, Office of the Municipal Agriculturist ng Rodriguez at Inspiring Champion Mountaineers (ICM) sa Cottolengo Filipino Inc., sa bayan ng Rodriguez, Rizal. Ang Cottolengo Filipino Inc. ay isang non-profit religious organization na kumakalinga sa mga batang inabandona, may kapansanan at may espesyal na pangangailangan.
Isinagawa ang seremonya ng pagtatapos at field day noong ika-13 ng Hulyo, 2022. Dumalo sa pagtatapos sina Bb. Marites Piamonte-Cosico, former ATI CALABARZON Center Director; Gng. Sherylou C. Alfaro, OIC Assistant Center Director; Rev. Fr. Julio Cuesta Ortega, FDP, President/Executive Director ng Cottolengo Filipino Inc.; G. Paragas ng ICM; Dr. Reynaldo Bonita mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Rizal; at Bb. Zenaida Cruz mula naman sa Office of the Municipal Agriculturist ng Rodriguez.
Nagpaabot ng mensahe si ATI CALABRZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa mga panauhin at nagsipagtapos. Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Rev. Fr. Ortega sa pagkakaroon ng halamanan sa Cottolengo at ang bakanteng lote sa loob ng bahay-ampunan ay naging isang munting hardin.
Nilibot ng mga panauhin at mga kalahok ang hardin na nagsilbing techno-demo sa loob ng sampung (10) sesyon. Nagsilbing mga tagapagpadaloy ng pagsasanay sina Engr. Raymundo at Bb. Ma. Pilar Pablo kasama si G. Niño Avendaño.
Ang kolaborasyong ito ay magbubukas pa para sa maraming oportunidad at inaasahan na sa mga darating na panahon, ang Cottolengo Filipino Inc. ay magiging isang Learning Site for Agriculture ng ATI CALABARZON.
Ulat ni: Soledad E. Leal