LILIW, Laguna - Pormal na isinagawa ang paglulunsad ng Silent Integrated Farm sa bayan ng Liliw, Laguna bilang isang sertipikadang Learning Site for Agriculture (LSA) ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON noong ika-8 ng Hulyo, 2022. Pinangunahan ang nasabing gawain nina ATI CALABARZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas, OIC Assistant Center Director Gng. Sherylou C. Alfaro at kinatawan ng ATI Central Office na si Bb. Nemielynn Pangilinan. Dumalo at nakiisa din ang mga mahahalagang panauhin na nagmula sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.
Nagpahayag ng positibong pagtugon si Dr. Maningas sa kanyang mensahe. Anya, “Naniniwala kami sa inyong sipag at dedikasyon. Kayo ay aming magiging kabalikat sa pagpapalaganap ng iba’t ibang teknolohiya na isinasagawa sa inyong farm para sa mga magsasaka at mamamayan di lamang sa bayan ng Liliw kundi sa buong Laguna at buong rehiyon ng CALABARZON.”
Dagdag pa rito, nilibot ng mga bisita at panauhin ang farm kung saan natunghayan nila ang mga teknolohiyang ginagawa rito. Sa kasalukuyan, ang Silent Integrated Farm ay ika-apat na sertipikadong LSA ng ATI CALABARZON sa bayan ng Liliw.
Adbokasiya ng nasabing farm na maging bahagi sa pagpapalaganap ng iba’t ibang teknolohiya sa agrikultura, magbigay ng hanapbuhay sa kumunidad at higit sa lahat makatulong na mapaunlad ang sektor ng agrikultura.
Ang LSA ay programa ng ATI na naglalayong magkaroon ng kooperasyon at maging katuwang ng ATI ang mga indibidwal na magsasaka, organisasyon o institusyon sa pamamahagi ng serbisyong pang-ekstensyon sa mga mamamayan.
Ulat ni: Soledad E. Leal