TRECE MARTIRES CITY, Cavite- Nagsipagtapos ang 25 kalahok ng “Training of Trainers (TOT) on Digital Farmers Program (DFP) 101 & 102” na binubuo ng mga tekniko mula sa iba’t ibang Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Center sa CALABARZON.
Sa unang araw ng pagsasanay, pormal na binuksan ni Dr. Rolando V. Maningas, OIC Center Director ng ATI CALABARZON, ang pagsasanay at nagbigay ng mensahe at pagbati sa mga kalahok.
Inilahad ni G. Hans Flores, Project Officer, ang detalye at nilalaman ng bawat kurso sa tatlong araw na pagsasanay. Samantala, nagsilbing mga tagapagtalakay sa unang araw sina Bb. Jamila Balmeo, Information Officer II, at Bb. Maridelle Jaurigue, Media Production Specialist II.
Sa ikatlo at huling araw ng pagsasanay, isinagawa ng mga kalahok ang “demo-back sessions” kung saan nabigyan sila ng pagkakataon na ituro ang mga paksa na nakapaloob sa DFP 101 at 102 modules.
Ang DFP ay programa ng ATI at PLDT-Smart Communications, Inc. Layunin ng TOT on DFP na sumailalim sa pagsasanay ang mga tekniko bilang paghahanda sa pagpapatupad ng programa sa kanilang bayan. Ang pagsasanay ay ginanap noong ika-5 hanggang ika-7 ng Hulyo, 2022.
Ulat ni G. Hans Christopher Flores