STA. CRUZ, Laguna - Ang Agricultural Training Institute Rehiyon CALABARZON, katuwang ang Opisina ng Panlalawigang Agrikultor ng Laguna ay matagumpay na pinasimulan ang unang pangkat ng “Pagsasanay ukol sa Urban Agriculture” noong ika-28 ng Hunyo.
Ito ay dinaluhan ng dalawampung (20) kabataan mula sa mga piling munisipyo sa probinsya ng Laguna. Isa sa mga kalahok ay si Nhuella Marie Ann Pucyutan mula sa Bay, Laguna.
Ani Nhuella, “Bilang kabataan, mlaki ang tulong ng ganitong mga seminar tungkol sa agriculture. Dahil dito, nabibigyan tayo ng oportunidad na matuto ukol sa pag po-produce ng atin mga pagkain mula sa ating mga bakuran at maari din natin itong pagkakitaan.”
Kabilang sa mga paksang tinalakay sa pagsasanay ang, Urban Agriculture Technologies and best practices na ibinahagi nina Gng. Genoveva D. Aquino at Gng. Corazon F. Calabia mula sa Opisina ng Panlalawigang Agrikultor ng Laguna. Nagkaroon din ng mga hands-on activities upang mas maunawaan ng mga kabataan ang paksa.
Ang pagsasanay ay may kalakip na mga panimulang ayuda sa pagtatanim para sa pag-uumpisa ng mga munting hardin sa kani-kanilang komunidad.
Ulat ni: Ginoong Roy Roger Victoria II