TRECE MARTIRES CITY, CAVITE – Pinangunahan ng ATI CALABARZON ang tatlong pangkat ng birtwal na paglulunsad ng programang Palay-Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Quezon.
Tatlumpu’t tatlong mga lungsod at munisipalidad ang magiging kalahok ng programa para sa ikalawang taon ng pagsasahimpapawid nito sa darating na Hunyo hanggang Agosto.
Dumalo sa paglulunsad ang mga magsasaka at iba pang mag-aaral kasama ang kanilang mga City at Municipal Agriculturist at LGU program coordinators. Nagbigay ng kanyang pambungad na pananalita si Dr. Rolando V. Maningas, ang OIC, Center Director ng ATI CALABARZON na naging hudyat ng pormal na pagbubukas ng programa. Ipinaliwanag naman ni Bb. Maridelle Jaurigue, Project Officer, ang mga paksang tatalakayin, mga mahahalagang petsa at iba pang impormasyon tungkol sa SOA-SRA.
Nagpaabot naman ng kanilang mensahe ng pagsuporta sina Director Rhemilyn Z. Relado-Sevilla ng PhilRice Los Baños; Regional Executive Director Engr. Arnel V. De Mesa mula sa DA RFO IV-A; Gng. Antonieta J. Arceo, OIC Assistant Director ng ATI; at Sec. William D. Dar ng Department of Agriculture. Maging ang mga Agricultural Program Coordinating Officers ng mga lalawigang kalahok ay nagbigay ng kanilang pagsuporta sa pagbibigay ng mensahe nina G. Felix Joselito H. Noceda ng APCO Cavite; G. Kenneth Bryan Centeno, kinatawan ni Gng. Ma. Annie S. Bucu ng APCO Laguna; at G. Jeric G. Macariola, kinatawan ni G. Rolando P. Cuasay ng APCO Quezon.
Ilang piling mga mag-aaral rin mula sa mga kasaling LGUs ang nagpahiwatig ng kanilang aktibong pakikilahok sa Palay-Aralan. Ang paglulunsad ay natapos sa pagbubuod at pangwakas na pananalita ng mga Panlalawigang Agrikultor na sina Gng. Lolita G. Pereña ng Cavite; G. Marlon P. Tobias ng Laguna; at Gng. Ma. Leonellie G. Dimalaluan ng Quezon.
Ang Palay-Aralan ay magsasahimpapawid sa darating na Hunyo tuwing Lunes at Miyerkules, 9:00-10:00 ng umaga sa official Facebook page at AgriStudio Youtube channel ng ATI CALABARZON. Mapapakinggan rin ang programa sa Radyo Natin Laguna 106.3 sa parehong araw, 12:00nn-1:00pm at Kiss FM 95.1 tuwing Martes at Huwebes, 12:00-1:00pm.