CALAMBA CITY, Laguna - Nagtapos ang 20 Agricultural Extension Workers (AEWs) sa tatlong araw na “Pagsasanay ng mga Teknolohiya ng Mekanisasyon ng Mais” noong ika-25 hanggang 27 ng Abril 2022.
Ang mga kalahok ay nagmula sa iba’t-ibang bayan ng rehiyong CALABARZON. Sa durasyon ng pagsasanay, nagkaroon ng demonstrasyon at aktwal na paggamit ng iba’t-ibang teknolohiya sa pagmamais katulad ng Corn Sheller, Corn Dryer, Corn Mill at Combine Harvester sa Calamba Upland Farmers Multi-Purpose Cooperative (CUFAMCO). Ito ay sa pangunguna ng ilang mga eksperto mula sa Center for Agri-Fisheries and Biosystems Mechanization o BIOMECH ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños.
Samantala, nagsilbing tagapagtalakay sina Bb Liezel Reyzen Mendoza ng OMA – Gumaca, Engr. Fritz Robenick Tabernilla CAO – Tayabas City, Engr. Fidel Ariola II ng OMA – Los Baños, Engr. Marife Santiago, Engr. Jose de Ramos at Engr. Alexis Del Rosario ng BIOMECH – UPLB.
Nagbahagi ang ilan sa mga piling kalahok na sina G. Bienvenido Joven, Engr Jommel del Mundo at Engr John Edward Pacis ng kanilang mga impresyon sa nagdaang pagsasanay.
Ani G. Bienvenido Joven, “Kahit hindi natin kaya, ay kaya pala natin. Huwag nating sabihing natatakot ako o wala kang alam, pero kung gagawin natin ay walang imposible.
Samantala, ibinahagi naman ni Engr John Edward Pacis ang mga katagang binitawan ni Brian Tracy, “Continuous learning is the minimum requirement for success in any field.”
Personal namang nagpaabot ng mensahe ang Assistant Center Director ng ATI - CALABARZON na si Dr. Rolando V. Maningas. Hinamon niya ang mga kalahok na paunlarin pa ang larangan ng pagsasaka sa pamamagitan ng mekanisasyon at ang kanilang mga natutunan sa pagsasanay na ito ay kanilang magamit upang matupad ang hamong ibinigay sa bawat isa.
Ang mga nagsipagtapos na Agricultural and Biosystems Engineers ay nakatanggap ng 5 CPD units mula sa pagsasanay na ito.
Sa ulat ni: Engr. John Mendoza