Produksyon at Pagpoproseso ng Mais, Tampok sa AgriTalk

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Ginanap ang unang AgriTalk tungkol sa mga naiibang mga putahe na ang pangunahing sangkap ay mais. Live itong nasaksihan sa Agricultural Training Institute (ATI) - CALABARZON Facebook Page at YouTube Channel na ‘AgriStudio.’

Nagbigay ng pambungad na pananalita ang Assistant Center Director ng ahensya na si G. Rolando V. Maningas. Si Bb. Gloria “Ka Gigi” Pontejos-Morris mula sa MoCA Farm Rlearning Center, ang naging tagapagsalita sa nasabing aktibidad, kung saan tinalakay niya ang morpoloyihiya ng mais, at ang mga nagiging proseso nito bago ito maging harina at ‘grits’.

Ibinahagi din ni “Ka Gigi” sa pamamagitan ng demonstrasyon ng pagluluto na hindi lang basta nilaga ang maaaring gawing luto sa paborito nating meryenda; maaari din pala itong gawing ulam at panghimagas.

Sabay ding ginawa ng mga piling kawani ng Office of the Provincial Agriculturist ng Cavite ang demonstrasyon sa pagluluto. Nagkaroon din ng open forum upang masagot ang mga katanungan ng mga dumalo.

Nagbigay naman ng panghuling pananalita ang Sr. Agriculturist ng ATI CALABARZON na si Bb. Sherylou Alfaro. Ipinaabot niya ng pasasalamat sa mga nakiisa sa talakayan.

Sa kabuuan, layunin ng AgriTalk na mapalaganap ang impormasyon sa mga benepisyo at kahalagahan ng puting mais bilang bahagi ng malusog na diyeta. Kasabay nito ang value-adding recipes ay maaaring magbigay ng karagdagang kita at livelihood opportunities dahil sa mga usong recipe ng mais na itinampok.

Ulat ni Hans Christopher Flores

In this article: