Sa ika-apat na taon ng implementeasyon ng Rice Extension Services Program - Rice Competitiveness Enhancement Fund (RESP-RCEF), ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON katuwang ang mga tagapagpatupad na ahensya ay isinagawa ang kauna-unahang batch ng Training of Trainers (ToT) on Production of High-Quality Inbred Rice Seeds & Farm Mechanization noong ika-7 hanggang ika-17 ng Marso, 2022. May kabuuang tatlumpung (30) indibidwal mula sa rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA at Bicol ang nagsipagtapos sa pagsasanay.
Ilan sa mga mahahalagang bahagi ng modyul ng pagsasanay ay ang diskusyon at pagsasagawa ng field practicum sa produksyon ng dekalidad na inbred rice seed at mga teknolohiya sa pagpapalay. Aktuwal na naranasan ng mga kalahok ang paggamit sa mga makabagong makinarya sa pagpapalay at gayundin ang pagsasagawa ng Agro-ecosystem Analysis (AESA). Sumailalim din ang mga bagong tagapagsanay sa microteaching session kung saan ipinamalas nila ang kahusayan sa pagbabahagi ng kaalaman.
Naging bahagi ng pagtatapos sina ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico, Assistant Center Director Dr. Rolando V. Maningas at Partnerships and Accreditation Services Section Chief Sherylou C. Alfaro. Sa pangwakas na mensahe ni Center Director Cosico, sinabi niya na, “kaya naman kasabay ng aming pasasalamat sa aktibong pakikilahok ng tatlumpung mga bagong kapanalig ng ATI at Villar SIPAG, ay ang aming paniniwala na nawa’y magsilbi tayong pag-asa para sa patuloy na PAGBANGON ng bawat MAGSASAKANG FILIPINO! Di kami mangangako na magiging madali ang bagong serye ng inyong buhay trainer, maniwala kayo, punong-puno ito ng pagsubok at hamon. Pero sabi nga ng isang musician, (Tim McLlrath) “Life is a fight. Don’t let it overwhelm you. Adapt, and COMBAT every situation it throws at you.” Kasabay nito ay ang kakaibang kaligayahan na dulot ng ating simpleng ambag na SERBISYO para mabigyan ng PAG-ASA ang mas nangangailangang magsasaka”.
Nagpahatid din ng mensahe ng pagtatapos sina Senador Cynthia A. Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture & Food; Secretary Isidro S. Lapeña, Director General ng TESDA; Assistant Secretary Engr. Arnel De Mesa; Dr. Rosana Mula, Director IV ng ATI; at Dr. Karen Eloisa Barroga, Deputy Executive Director ng PhilRice-CES.
Inaasahan na ang mga bagong dagdag na tagapagsanay sa ilalim ng programang RCEF ay makakatuwang sa patuloy na pagkamit ng layunin ng Kagawaran ng Pagsasaka na magkaroon ang mga magsasaka ng “Masaganang Ani at Mataas na Kita”.
Ulat mula kay: Darren B. Bayna, Training Specialist I