MABITAC, Laguna - Isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) - CALABARZON kaagapay ang Adoress Farm Training and Assessment Center Inc. ang apat na araw na pagsasanay na “Good Cultivation Practices on Mushroom” sa Brgy. Matalatala, sa bayang ito.
Layunin ng pagsasanay na maibahagi ang kaalaman at madagdagan ang kasanayan ng mga kalahok sa produksyon ng kabute na naayon sa Good Cultivation Practices nito.
Sa pagbubukas ng programa, nagpabatid ang pamunuan ng Adoress Farm Training and Assessment Center sa pangunguna ni Gng. Teresita R. Sanchez ng mainit na pagbati para mga kalahok. Nagbigay din ng mensahe sa pamamagitan ng Zoom Application ang Assistant Center Director ng ATI-Calabarzon na si Dr. Rolando V. Maningas, na sinundan din ng OIC – Municipal Agriculture na si Engr. Christian Carlo Retoriano at Municipal Administrative Officer na si Hon. Romeo Alarde.
Nagsisilbing tagapagtalakay ang Laguna Association of Mushroom Producers (LAMP) Technical Adviser na si Gng. Lolita D. Viyar. Ihahatid ng pagsasanay ang mga paraan ng pagpaparami at pagpoproseso ng mushroom hanggang sa wastong pagtatapon ng mga nagamit na mushroom.
Sa pagtatapos ng gawain, nagbigay ng mensahe si CD Marites Piamote-Cosico para sa tatlumpung (30) kalahok na matagumpay na nagsipagtapos. “Opportunities don’t happen; you create them. This training is your first step in creating a window of opportunity. All you have to do is to make use of additional knowledge and skills, activate your creativity and develop boundless opportunities for yourselves and eventually your respective communities. Eventually ay magsilbi kayong patunay na may kita sa agrikultura,” ani CD Cosico.
Kanya rin binahagi ang potensyal ng kabute mula sa karanasan ng mga mushroom producer- maliit ang puhunan at pangalawa malaki ang kita. Dagdag pa ni CD Cosico, sa halagang wala pang 100 pesos ng mushroom ay maaari nang gumawa at magbenta ng 400 pesos worth of mushroom.
Nagsilbing tagapagpadaloy ng pagsasanay ang Adoress Farm Training and Assessment Center Inc. sa nasabing gawain. Ito ay dinaluhan ng mga potensyal na mushroom grower mula sa akademya, mga mag-aaral, at magsasaka mula sa lalawigan ng Laguna.
Ginanap ang pagsasanay noong ika-1 hanggang ika-4 ng Marso, 2022.
Ulat ni Engr. John Mendoza