Nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) sa pag-poproseso ng aplikasyon sa pagtatayo ng manukan at babuyan na ang mga ito ay dapat itayo sa mga agricultural zones, sa labas ng mga sentrong pook. Kinakailangan din na ito ay nakalagak, 25 metro palibot sa mga mapag-kukunan ng malinis na tubig.
Isang pangunahing isyu sa pagtatayo ng babuyan sa mga sentrong pook ay ang mabahong amoy mula sa dumi ng mga alagang baboy.
Ngunit sa syudad ng Los Baños sa Laguna, pinamamahalaan ng isang samahan ng magsasaka ang isang babuyan sa Barangay Timugan, isang residential na komunidad.
Ang Sustainable Pig Farming (SPF)
Ang Los Baños Natural Pig Raisers Association (LBPig) ay kasalukuyang gumagamit ng pamamamaraang SPF (Sustainable Pig Farming) o "Babuyang Walang Amoy." Ito ay isang paraan ng pag-aalaga ng baboy na rekomendado ng DA-Agricultural Training Institute at ng mga Regional Training Centers nito, kabilang ang ATI sa CALABARZON.
Sa pamamaraang SPF, isinusulong ang sustenable at may pangangalaga sa kalikasan na paraan ng pag-aalaga ng baboy, kung saan gumagamit lamang na natural na mga materyales sa paggawa ng pabahay at sahig nito, pakain at natural na pamuksa sa sakit ng baboy.
Ayon sa Presidente ng LBPig na si Ginoong Crisologo "Bong" Angeles, “para sa akin ay maganda itong natural pig farming. Sa aming barangay ay hindi pinapayagan ang pag-aalaga ng baboy. Pero pinipilit namin na sabihin doon sa kapitan na ito’y pinapayagan ng DA [Department of Agriculture] dahil ito’y walang amoy at epekto sa kalikasan."
Isang mahalagang aspeto sa paraang SPF ay ang paggamit ng deep litter system sa paggawa ng pabahay ng mga baboy. Sa paraang ito, gumagamit ng mga katutubong materyales kagaya ng kawayan, kahoy at hollow blocks bilang pundasyon ng bahay; nipa, anahaw at kogon naman para sa bubong; wood chips, bunot ng niyog, mga hibla ng niyog, ipa at iba pang organikong materyal naman sa sahig ng kulungan.
Sa ganitong uri ng pabahay o kulungan, makakamtan ang zero waste practice dahil ang dumi ng baboy ay hahalo sa mga materyal na ginawang pansahig ng kulungan, na kalaunan ay maaaring gawing compost.
Hindi rin magiging problema ang mabahong amoy at di na rin kakailanganin na paliguan ang mga baboy o linisin ang kulungan ng mga ito, na isa sa matrabahong gawain sa pag-bababuyan.
Ang nabanggit na paraan ng pamamahala ay may mabuting dulot sa pangkalahatang kalusugan ng mga alagang baboy dahilan sa kumportable sila kahit sa panahon ng tag-init. Ma-oobserbahan din ang kanilang natural na pag-uugali kabilang ang rooting.
Ang mga baboy na pinalalaki sa pamamaraang SPF ay unti-unti ring pinapakain ng natural na pakain, kabilang ang mga fermented juices, mga halamang-pakain, darak, butil ng mais, soya, at iba pa. Ang mga fermented juices na maaaring ihalo sa pagkain ay Fermented Plant Juice (FPJ), Fermented Fruit Juice (FFJ) and Fish Amino Acid (FAA), and Lactic Acid Bacteria Serum (LABS).
Ang nabanggit ay mga rekomendadong concoctions na karaniwang inihahalo sa natural na pakain ng baboy. Ito ay magandang pinagkukunan ng kinakailangang sustansya at nutrisyon ng baboy sa kanilang paglaki.
LBPig: Nagsisilbing Mabuting Halimbawa Sa Komunidad
Ang LBPig ay naitatag noong ika-7 ng Setyembre 2018, sa pagtutulungan ng Agricultural Training Institute – Calabarzon at Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Los Baños. Sa kasalukuyan, ang samahan ay may 40 aktibong miyembro, na nagsipagtapos mula sa dalawang serye ng pagsasagawa ng Farmers’ Field School (FFS) ukol sa SPF.
“Ang layunin ng LBPig ay mapalawak ang SPF at dumami ang mga miyembro na gumagawa ng ganitong pamamaraan sa pag-aalaga ng baboy,” diin ni Presidente Bong.
Sa patnubay at suporta ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Los Baños, nagsagawa sina Presidente Bong at mga kasamahan ng isang pangkat ng FFS training sa kanilang komunidad na tumagal mula Agosto hanggang Oktubre 2019. Ang mga orihinal na miyembro ang nagsilbing tagapagtalakay at tagapagpadaloy ng linggo-linggong pagsasanay sa FFS.
Ani Rosa Villegas, 41 taong gulang at isa sa mga tagapagsanay, ipinagmamalaki niya at ng kanilang mga kasamahan ang adhikaing ito ng kanilang grupo.
“Masarap po sa pakiramdam kasi marami silang nakikinig, and nakaka-pag share din po kami ng knowledge tungkol sa pag-aalaga [ng baboy sa natural na pamamaraan]. Marami na rin kaming nahikayat, yung mga kapitbahay namin,” kuwento ni Rosa.
Samantala, ayon kay Liza Daculong, isa ring aktibong miyembro mula sa Barangay Timugan, nakatulong sa kanyang pagsali sa FFS na malampasan niya ang phobia sa mga baboy.
“Noong bata ako, hinabol ako ng baboy. Sabi ko, ayoko ng baboy, takot na ako. Simula nung mag-alaga kami at matuto ako, hindi na ako takot. Mababait pala sila,” masayang kuwento ni Liza.
Sa kasalukuyan ay may 1,700 metro kuwadradong babuyan si Liza sa kanilang barangay. “Isinabay po namin sa pag-aaral ng FFS ang pag-papagawa ng kulungan,” aniya. Isa rin siya sa mga tumanggap ng pig dispersal project mula Tanggapan ng Pambayang Agrikultor at Opisina ng Panlalawigang Agrikultor.
Pagsusulong ng Natural na Pangangalaga ng Baboy
Naniniwala si Presidente Bong na ang natural na pangangalaga ng baboy ay isang malaking potensyal na pagkakakitaan para sa kanilang komunidad.
“Para sa akin ay maganda itong pamamaraan na ito dahil backyard naman ang target natin dito. Maraming bahay [household] ang magkakaroon ng sideline na pagkakakitaan, na kung sila ay may lugar o space, pwede silang mag-babuyan.”
Kasabay ang pagsusulong ng sama-samang pag-unlad, kasama rin sa plano ng grupo ang gawing kooperatiba ang kanilang samahan upang maging isang sustenable at progresibong kabuhayan ito para sa bawat miyembro.
“Mayroon na kaming official meetings, may mga nailagay na rin [miyembro] sa mga posisyon. Seminar at papers na lang ang kulang," ayon kay Presidente Bong.
Layunin nila na hikayatin ang lahat ng mag-bababoy sa Los Baños na bumalik sa natural na pamamaraan at yakapin din ang Sustainable Pig Farming practice.
Bukod sa mas mataas na kita at pagpapahalaga sa kalikasan, ang mga SPF practice adopters ay makatitipid sa pakain ng mga baboy, at makakukuha ng mas mataas kalidad ng karne ng baboy, dahilan kung bakit ang Sustainable Pig Farming ay isang kumikitang kabuhayan sa backyard at commercial setting.
Watch the video: