Aktibong miyembro ng 4H Club simula pa noong 2018, patuloy na inaakap at pinapalaganap ni Baby Erica P. Tanaotanao ang kabutihang dulot ng Agrikultura. Sa kasalukuyan, kumukuha si Erica ng kursong BS Agriculture sa ikalawang taon mula sa Cavite State University. “BS Agriculture yung kinuha ko kasi nakita ko yung potential ng Agriculture na pwedeng makatulong hindi lang para sa akin kundi para sa bansa natin,” saad ni Erica. Bata pa lamang ay nabuksan na ang kanyang kamalayan sa kahalagahan ng Agrikultura. “Yung lolo ko may sariling palayan, dun kami naglalaro nung mga bata pa kami kaya naging mulat ako sa iba’t ibang ginagawa sa farm,” sambit ni Erica. Nais niyang mabago ang stigma o kaisipan ng mga kabataan na ang BS Agriculture ay hindi lamang patungkol sa pagtatanim at pag-aalaga ng hayop, bagkus ito ay maging daan sa pagbabago at paglago ng kabuhayan ng bawat magsasakang Pilipino.
Naging masayang samahan na rin ng pamilyang Tanaotanao ang pagtatanim. Sa katunayan, naimpluwensyahan ni Erica ang kanyang nakatatandang kapatid na babae na isang guro na kumuha ng National Certificate sa organikong pagsasaka. “Kasama ko yung mga kapatid ko kasi nagiging bonding na namin. Kapag nagtatanim ako nakikigaya sila. Marami rin silang natututunan,” masayang kwento ni Erica.
Bakit pagsasaka?
Hindi pa rin naiiwasan na may magtanong kung bakit pagsasaka ang tinahak na karera ni Erica. Ang kanyang mariing sagot, “BS Agriculture yung kinuha ko ngayong kolehiyo. TVL Agriculture naman yung kinuha ko nung senior high school. Marami ang nagtatanong bakit? Sinasabi ko na lang sa kanila na baka di ninyo nakikita kung ano yung nakikita ko. Nakita ko talaga ang potential ng Agriculture.” Bukod dito, malaking kasayahan at kaginhawaan ang nararamdaman ni Erica tuwing nagsasaka. Anya, ang pagsasaka ay nakakawala ng stress gayundin ay nakakakain ang buong pamilya ng ligtas na pagkain dahil alam nila na sila mismo ang nagtanim nito. Nakakatulong din sa mga pinansyal na gastusin ang kanilang mga nabebentang produkto mula sa kanilang mga pananim. “Yung produce namin bukod sa pang-family, marami rin ang bumibili dito sa mga kapitbahay namin,” sabi ni Erica.
Ang Munting Hardin
Tunay na libangan na ni Erica ang pagtatanim. Sa kanilang munting hardin ay may mga tanim na pechay, mustasa, bell pepper, ampalaya, zucchini, strawberry, kamote at sitaw. Pagmamalaki ni Erica, “kahit munti lang yung farm namin, masasabi ko na ito yung lugar sa bahay namin na pinakapaborito naming lahat. Ang farm ang pinakamagandang spot dito sa bahay namin.” Ngunit sa kabila nito, hindi naman niya napapabayaan ang pag-aaral. Kapag walang klase ay pinagtutuunan ng pansin ni Erica ang pagtatanim. Sinusuri niya ang kalagayan ng kanyang mga halaman tulad na lamang ng moisture content nito. Pinaglalaanan niya ng panahon ang pagsasaka para ang buong pamilya niya ay magkaroon ng ligtas at seguridad sa pagkain. “Organic farming talaga yung ina-apply namin dito kasi gusto namin masigurado na safe ung kakainin namin. Ayaw din namin ma-harm yung environment kaya yun ang ginagamit namin,” diin ni Erica.
Pinagkakaabalahan din ni Erica at ng kanyang Nanay Emelita ang pagbebenta at pagpaparami ng ornamental plants na binibenta nila sa kanilang mga kapitbahay. Ito ay nakakatulong din sa kanilang pang araw-araw na gastusin. Naging inspirasyon din sila sa kanilang komunidad dahil sa kanilang adbokasiya sa pagsasaka.
Ang 4H Club
“Ngayon sa 4H Club dito sa municipality ng Silang, ako yung Municipal President. Sa 4H Club Cavite ako naman ang Provincial Secretary,” paliwanag ni Erica. Senior high school pa lamang si Erica noong 2018 nang maging miyembro na siya ng 4H Club. Siya ang napiling Presidente ng 4H Club sa kanyang paaralang pinapasukan. Simula noon ay naging aktibong miyembro na si Erica ng 4H Club.
Maraming karangalan ang naiuwi ni Erica bunsod ng iba’t ibang patimpalak na kanyang nilahukan sa 4H Club. “Sa 4H Club, naigiging representative ako ng municipality namin sa mga national competitions at sa regional meetings. Naii-represent ko yung municipality namin. Yung pagla-launch din ng maraming projects kung saan naa-attract ko ang maraming kabataan na mag-engage na rin sa farming,” paglalarawan ni Erica. Nakamit niya ang ikalawang pwesto sa Batang Organic Agriculture (OA) Regional Quiz Bee noong 2018. Siya rin ang tinanghal na kampeyon sa 4H Provincial Quiz Bee, samantalang 3rd place naman sa Regional Youth Camp 4H Quiz Bee. Dagdag pa rito, si Erica rin ang hinirang na Top 1 sa School on Air (SOA) Livestock ng ATI CALABARZON noong 2019. Labis ang kanyang kasiyahan sa mga parangal na kanyang natanggap dahil nakatulong ito para lumakas ang kanyang kumpiyansa sa sarili. Dumami pa ang kanyang mga kaibigan at nakilala rin siya sa kanyang paaralan. Marami rin siyang nakilalang eksperto sa Agrikultura na ina-apply naman ni Erica ang kanyang mga natutunan. Para kay Erica, “ang sinisimbolo ng mga karangalang ito ay yung pag-asa na sa tuwing tinitingnan ko, dun ko nasasabi sa sarili ko na may maganda pa pala akong magagawa sa buhay ko. Marami pala ako pwedeng marating pa.”
Naging aktibo rin si Erica sa paglahok sa mga pagsasanay patungkol sa Agrikultura. Ang pinakatumatak na pagsasanay sa kanya ay ang urban gardening at Leadership Skills Training na isinagawa ng ATI CALABARZON para sa mga miyembro ng 4H Club. “Yung naitulong ng training na yun, mas nadagdagan pa kaalaman ko about sa farming. Nakatulong rin sa akin kung paano ko pa iimprove yung pagle-lead ko sa club,” banggit ni Erica.
Bilang Kabataang Magsasaka
“Ang pinakamgandang kontribusyon ko ay yung impluwensya. Mas lumawak yung pagiging socially active dahil mas dumami yung nakahiligang mag farm dahil sa akin,” pahayag ni Erica. Nai-aapply ng mga kakilala ni Erica sa pagsasaka ang mga itinuro niya. Sa ngayon, ang maiiambag ni Erica sa pagsasaka ay ang mag-aral ng mabuti at makatapos ng pag-aaral. Ipagpapatuloy ni Erica ang pagdalo sa mga pagsasanay at ibahagi ang kanyang kaalaman para lalong mapalawig pa ang Agrikultura sa mga kabataan.
Nais ni Erica maging isang future Agriculturist at makapag-invest ng sariling farm. Gusto rin niyang magkaroon ng sariling laboratoryo para makatuklas ng mga bagong teknolohiya na makakatulong sa mga magsasakang Pilipino. Maituturing na tagumpay ni Erica ang bawat hakbang na kanyang ginagawa para sa Agrikultura. “Ten years from now andun na ako sa laboratory ko nag-iisip ng ways kung pano ma-improve yung ganitong variety ng halaman,” nakangiting pagwawakas ni Erica