Isang lider at proud na magsasaka.. Sa Agrikultura, naniwala!

Isang masikap na ilaw ng tahanan, isang tapat at mabuting asawa, walang kapagurang ina, alagad ng lipunan, masigasig na magsasaka, at nagtiwala sa agrikultura.
‘Yan ang ilan sa mga katangian ni Anita Calaranan – isang huwarang babaeng magsasaka mula sa Barangay Turod, Cabugao, Ilocos Sur.

Nakilala namin si Anita, ang limampu’t-isang taong gulang na ina na walang alintana sa pagbabanat-buto para sa kanyang pamilya.

*Panimulang kaakibat ang pag-asa*

“Nagtapos ako ng Midwifery, ngunit gusto ko talaga ang pagsasaka, sapagkat dito ako masaya,” tagos sa pusong pahayag ni Aling Anita.

Nagtapos si Aling Anita ng kolehiyo sa Ilocos Sur Community College, sa Bantay, Ilocos Sur. Magpaganunpaman, hindi ito ang propesyon na kanyang tinahak at tinupad, bagkus ang lupang sa kanila’y ipinagkaloob na bungkalin at payamanin ay siyang minabuting gawin.

Di pa man sapat ang kita, si Anita ay nagpasya nang mag-asawa noong taong 1997. Nagkaroon siya ng dalawang anak sa kanyang asawang si Frumencio Calaranan, at tanging sa pagsasaka sila ay umasa upang matugunan ang pang araw-araw na pangangailangan.

Sinubok nilang mag-asawa ang iba’t ibang mapagkakakitaan para matugunan ang pangangailangan sa pagsasaka, ngunit ito ay hindi naging sapat upang maiangat ang pamumuhay na hangad. Sa pag-uumpisa ng mag-asawang Calaranan, ang kalahating ektaryang lupa ay tinamnan nila ng palay. Dahil sa kakulangan ng kaalaman sa teknolohiya, ang mga pananim nila’y inubos ng mga mapaminsalang peste at mga ibon.

*Pag-asang Dulot ng pagtiyatiyaga*

Dahil sa hangaring gumanda ang buhay, ang magasawa’y nagpasyang makipagsapalaran sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangang pinansyal ng pamilya. Si Anita ay nagsakripisyong magtrabaho bilang domestic helper (DH) sa Hongkong mula taong 2007 hanggang 2010, habang si Frumencio naman ang nagpatuloy sa pagsasaka at pagpapalago ng kanilang bukirin. Si Mang Frumencio ay naging aktibo rin sa samahan ng mga magsasaka sa kanilang barangay, ang Barangay Turod Farmers Association, Inc.

Sa taong 2011, nagpasyang umuwi na sa Pilipinas si Aling Anita. Siya na ang namahala sa kanilang sakahan at si Frumencio naman ang nag-ibang bansa.

*Pagtiya-tiyagang kaakibat ay sakripisyo*

Ipinasa ni Frumencio sa asawang si Anita ang obligasyon sa pag-aalaga ng kanilang lupain, at pati na ang responsibilidad na naiwan nito sa Barangay Turod Farmers Association, Inc.. Si Anita ay naging Tresurera ng naturang asosasyon. Hanggang ngayon, siya ay nagsisilbing boses ng mga magsasaka sa kanilang lugar na may layuning matulungan ang kapwa magsasaka sa ayuda, suportang teknikal at sa mga usaping teknolohiya.

*Sakripisyong nagbigay daan tungo sa pagbabago*

Noong una, ang kalahating ektaryang sinasaka nila Aling Anita ay umaani lang ng 50 cavan ng palay. Dahil sa pagpupursige ng mag-asawang Calaranan, nakabili na sila ng dalawang ektaryang lupa bilang dagdag na sasakain.

Sa paglilibot sa mga bara-barangay ng Municipal Agriculturist ng Cabugao na si Ginoong Nereo Daproza, nakilala niya ang masipag na magsasakang si Anita. Nakita ni Gg. Daproza ang kagandahan ng lupaing sinasaka ni Aling Anita kaya’t naisipan niyang makipagtulungan para magsagawa rito ng Farmer Field School (FFS).

“Si Aling Anita po ay tinatawag na hands-on woman-farmer natin sa lokalidad. Bilang Technician sa agrikultura at sa aming paglilibot, halos araw-araw namin siyang nakikita. Kahit babae siya, hindi niya iniinda ang init ng araw, nandyan siya lalo na sa panahon ng pagtatanim ng palay. Makikita mo rin siya sa pagbubunot ng palay at mga activity sa rice farming. Tumutulong din siya sa pagbubunot ng mga damo-damo sa panahon ng paghahanda ng lupa,” pagpapatunay ni Gg. Nereo Daproza.

*Pagbabagong tungo sa pag-unlad*

Nakilala ni Aling Anita ang Agricultural Training Institute-Regional Training Center I (ATI-RTC I) sa pamamagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Cabugao. Sila ay nakipag-ugnayan sa ATI-RTC I upang maisakatuparan ang programang Farmer Field School (FFS) sa lupang sinasaka ni Aling Anita. Ginawang Demo-Site ng FFS ang kanyang lupain na dinaluhan niya at ng iba pang kasama sa asosasyon. Dito nagsimula ang pagbabago na siyang nagbigay daan para higit na matuto sa pagsasaka si Anita at pati na rin ang kanyang mga kasama. Ang suportang teknikal na naibahagi ng ATI-RTC I ay nakatulong para maayos ang pamamahala ng sakahan. Sa pakikibahagi niya sa iba’t ibang seminar at ibinahaging pagsasanay ng ATI-RTC I, DA-RFO I, at ng iba pang ahensiya ng gobyerno at pribadong kumpanya, si Aling Anita ay lalong nahasa sa pagsasaka.

“Dahil sa masigasig na pagsasanay sa Farmers Field School, natuto si Anita ng makabagong kaalaman para mas mapagaling ang pamamahala ng kanilang mga pananim at mas lalong mapalaki at mapataas ang kanilang ani at kita. Sa katunayan, ang farm-area niya ay ginamit na Demo Site para sa Farmer Field School - Rice Production na nadaluhan ng higit kumulang na 50 katao na nag-aral para sa teknolohiya ng palay. Noong sila ay nag-aaral sa FFS, naging aktibo si Anita, nakilala siya mula noong kanyang iniulat ang kanilang group output, at bilang isang leader sa grupo na humawak ng isang treatment,” ani ni Gg. Nereo Daproza.

Naging bukas ang isipan nila Aling Anita at mga kasamahang magsasaka sa pagtanggap ng mga bagong teknolohiya na kanilang natutunan. Ang kasigasigan ni Aling Anita ay malaking impluwensiya sa mga kasamahang magsasaka lalo’t higit sa mga kababaihan upang matuto at makibahagi sa mga programang agrikultura gaya ng FFS. Hindi lamang iyon, ang mga kaalaman at teknolohiyang kanilang natutunan ay patuloy nilang isinasagawa at napakikinabangan kung kaya’t nanatiling mataas ang kanilang ani at kita.

“Isa sa mga magandang nangyari pagkatapos ng pagsasanay ay halos lahat ng magsasakang nakilahok dito ay naging adaptor ng teknolohiyang kanilang natutunan sa FFS, at sila na mismo ang nagdedemand ng organic fertilizer at makikitang straight row planting na rin ang kanilang mga pananim,” dagdag pa ni Mang Nereo Daproza.

*Pag-unlad sa tulong ng teknolohiya*

Malaking bagay ang naitulong ng ATI-RTC I, DA-RFO I at ng Municipal Agriculture Office ng Cabugao sa pagpapalago ng kaalaman at kahusayan ni Aling Anita sa mga teknolohiya sa pagsasaka. Ang Lokal na Pamahalaan ng Cabugao ay nagbigay din ng suporta sa asosasyong kinabibilangan ni Aling Anita sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng mga makinarya gaya ng harvester, tractor, water pump, at thresher.

Sa maikling panahon, nakapag-aani na si Aling Anita ngayon ng humigit kumulang na 400-420 cavan sa dalawa’t kalahating ektaryang kanyang sinasaka. Dahil dito, gumaganda na ang kita ni Anita sa kanyang pagsasaka. Bukod sa palay, nagtatanim na rin siya ng high value crops gaya ng kamatis at kamote sa kanyang bukid.

“Mas napaparami ang aming ani, at nababawasan ang aming labor cost, dagdag pa ng mga libreng binhi at fertilizer na ayuda ng ating pamahalaan,” ang sabi ni Aling Anita.

*Hamon para sa lahat ng kababaihang magsasaka*

Bukod sa pagiging magsasaka, si Aling Anita ay Presidente rin ng Rural Improvement Club (RIC) sa kanilang lugar. Pinapatupad dito ang pagpapautang sa mga miyembro na may maliit na interes at programang pangkabuhayan katulad ng paggawa ng camote chips, at marami pang iba na binebenta sa kanilang bayan.

Si Aling Anita ay isa ring Kagawad ng Barangay Cabugao. Para sa kanya, ang pagsisilbi sa kanilang lugar ay gantimpalang maituturing. Ang maglingkod sa abot ng kanyang makakaya ay tunay ngang kahanga-hanga.
“Nakita ko na sa grupong yan, marami ding sumali na kababaihan dahil sa kanyang impluwensiya. Si Aling Anita, bilang Brgy. Official din, asawa, at ina, nakikita kong matatag siyang indibiduwal. Napag-aral niya ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng farming. Nakikita naming ang pag-angat, pag-asenso ng buhay niya sa pamamagitan ng pagsasaka particularly sa rice production,” diin ni Gg. Daproza.

Ang hamon ni Anita sa mga kapwa niya kababaihan ay huwag sumuko sa pagsasaka, bagkus pagbutihin pa at mas pagtuunan ng pansin ito sapagkat ito ang magiging daan tungo sa matagumpay na kinabukasan.

Para kay Aling Anita, ang pagiging ina ay maituturing na totoong tagumpay kapag makitang maayos at masaya ang buhay ng pamilya. Habang si Frumencio ay nananatiling nasa Saudi Arabia, ang kanilang pagsisikap at pagsasakripisyo, kasama ng pagtitiwala sa Diyos, ay ang tunay na sikreto upang maisakatuparan ang kanilang pangarap sa buhay.

Noo’y salat, ngayon nama’y nalalasap ang kaginhawaan sa pamamagitan ng pagbubungkal ng lupa. Tunay na kung nasaan ang iyong puso, naroon rin ang iyong kayamanan. Katulad ni Aling Anita, ang piniling propesyon, ay siyang dahilan ng pag-angat ng kanilang buhay – ang pagsasaka. ‘Yan ang tunay na kuwento ng tagumpay – isang kwentong pagsasaka ng isang ilaw ng tahanan at liwanag ng pamayanan na dapat tularan.

Mabuhay ang mga kababaihan! Mabuhay si Aling Anita!
Mabuhay ang mga kababaihang magsasaka!

Puno`t Dulo: Kwentong Tagumpay ng Pamilya Disu

Isang pagbabahagi ng pangarap at pag-asa at isang kwentong hatid ay inspirasyon. Tunghayan kung paano naging tulay ng tagumpay ang mga hamon sa buhay.