RCM Ginamit, Masaganang Ani Nakamit: The Mario Gutierrez Success Story

Mario Gutierrez

Isang masipag na padre de pamilya. Isang mabuting asawa at responsableng tatay sa pitong magkakapatid. Isang proud na magsasaka na naniwala sa agrikultura. Mula sa Barangay Lelemaan, Bayan ng Manaoag, Probinsiya ng Pangasinan, ating kilalanin si Mario Gutierrez- isang full time rice farmer, na binago ng Rice Crop Manager.

Nagsimula si Mang Mario bilang Diesel Mechanic sa isang malaking kumpanya sa Lungsod ng Dagupan noong taong 1980. Todo-kayod at nakipagsapalaran siya para maitaguyod ang pamilya, ngunit ang kanyang sahod ay hindi sapat upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Pagkalipas ng mahigit isang dekada ng pagsisilbi sa kumpanya, nagdesisiyon si Mang Mario na lisanin ito at manatili na lamang sa kanyang bayan para maging tenant at magsasaka sa dalawang farm lots na malapit sa kanyang tirahan.

Paglalakbay tungo sa masaganang ani

"Pagsasaka ang tugon ng aking puso, kaya ako’y nagbalik sa bukid at magtanim", tugon ni Mang Mario.

Sa unang yugto ng kanyang pagsasaka, hindi naalintana ni Mang Mario ang munting kita. Sa mahabang panahon, nakapag-ani siya ng humigit kumulang na 80-100 cavan sa isang ektaryang kanyang sinaka. Minagaling ni Mang Mario ang higit na matuto sa pagsasaka at makaalam ng mga teknolohiya. Kaya nakibahagi ito sa iba’t ibang seminar at pagsasanay ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center I, DA-RFO I, Municipal Agriculture Office ng lokal na pamahalaan ng Manaoag, at iba pang ahensiya ng gobyerno at pribadong kumpanya.

Bagong sibol na kaalaman

Naging bukas ang isipan at naging masigasig si Mang Mario sa mga bagong kaalaman sa agrikultura sa kagustuhan niyang mapalago ang kanyang kita sa pagsasaka. Nang dumating ang taong 2014, nakilala ni Mang Mario ang Rice Crop Manager o RCM.

"Matagal ko nang naririnig ang RCM dati, noong una hindi ko ito pinag-ukulan ng pansin, pero noong naipaliwanag sa akin nang mabuti, ako’y na-excite na subukan ito."

Ang RCM ay programa ng International Rice Research Institute sa pakikipagtulungan ng PhilRice at Department of Agriculture na nagbibigay gabay sa mga magsasakang nagtatanim ng palay. Katuwang nito ang Agricultural Training Institute na tumutulong sa malawakang pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa RCM. Ang RCM ay isang mobile at computer application na nagbibigay ng mga tiyak na rekomendasyon patungkol sa tamang sustansya, pagdating sa pagpuksa ng peste, damo o maging sa pamamahal ng patubig, depende sa uri ng palay na kanilang ginagamit, sa panahon at kalagayan ng lugar na pagtatamnan.

Trial and error

Sinubukan ni Mang Mario ang Rice Crop Manager at ginamit ang nakuhang rekomendasyon ng RCM sa kanyang palayan. Nang dumating ang pag-aani, aba, tumaas ang dami ng naani ni Mang Mario! One hundred thirty (130) cavan sa first cropping at one hundred sixty (160) cavan naman sa second cropping. Nagpatuloy na ganito ang dami ng naaani ni Mang Mario mula noong taong 2014 hanggang sa kasalukuyan dahil sa RCM.

"Hindi ako nag-aalinlangan na sumubok sa mga bagong pamamaraan ng pagsasaka sapagkat alam kong ito’y makakatulong sa aking pamumuhay, aniya ni Mang Mario."

Pagbubunyi

Napabilib si Mang Mario sa galing ng RCM. Kanyang ibinida ito sa kapwa niya magsasaka. Tuwing may pagkakataon, kanyang ibinabahagi ang benepisyong naibibigay sa kaniya ng RCM. Siya ngayon ay inaanyayahan sa iba’t ibang pagtitipon upang magbigay testimonya sa mahusay at magandang epekto ng RCM.
Dahil nga sa RCM, gumanda ang kita ni Mang Mario sa kanyang pagsasaka. Sa kasalukuyan, may inaalagaan na rin siyang mga hayop gaya ng mga native na baboy, kambing, pato at mga manok na naipundar niya dahil sa dagdag kitang naitulong ng RCM. Salamat sa RCM, lumago ang pamumuhay ni Mang Mario.

"Inaanyayahan ko ang mga katulad kong magsasaka na subukan ang RCM sapagkat dahil dito aking nakamtan, masaganang ani na inaasam."

Puno`t Dulo: Kwentong Tagumpay ng Pamilya Disu

Isang pagbabahagi ng pangarap at pag-asa at isang kwentong hatid ay inspirasyon. Tunghayan kung paano naging tulay ng tagumpay ang mga hamon sa buhay.