“Small but Terrible”, ganito maisasalarawan si Gng. Grace F. Culpa. Bukod kasi sa pagiging kampeon na ina sa kanyang dalawang anak, wagi din siya bilang isang Agricultural Technologist (AT) ng Munisipyo ng Calatrava, Romblon.
Pinagtibay ng pangarap
Hindi naging madali ang naging buhay ni Gng. Grace bilang nag-iisang AT sa kanilang opisina. Tulad ng iba, nakaranas din siya ng mga pagsubok na nakapagbigay sa kanya ng lakas ng loob, para magpatuloy sa kanyang mga gawain bilang kawani ng gobyerno, upang makapaglingkod sa mga magsasaka sa kanilang lugar.
“Hindi talaga ako isang Agriculturist. Noong 2005 ay natapos ko ang una kung kurso na Bachelor of Science in Biology sa Romblon State College sa aming probinsiya, na kalaunan ay naging Romblon State University. Pagkatapos kung makuha ang aking diploma, ay nagdesisyon ako na lumawas sa aming bayan upang maghanap ng trabaho sa Manila. Sa tulong ng ating Panginoon, pinalad ako na makapagtrabaho sa isang sangay ng gobyerno sa Professional Regulation Commission (PRC) sa Marine Deck Division simula Oktubre 1, 2005, hanggang Setyembre 30, 2010. Mahirap talaga kapag yung trabaho mo ay malayo dun sa pinag-aralan mo, marami kang gusto gawin pero kulang ka sa kaalaman kung paano mo sisimulan”, pagbabahagi niya.
Sa kabila nito, hindi ito naging hadlang sa kanya, bagamat nagsilbi itong inspirasyon upang maiangat ang kanyang sarili. “Hindi ako pinanghinaan ng loob sa panahon na yun, upang maitaas ang kumpiyansa ko bilang isang AT, at maturuan ko ng mahusay ang mga magsasaka sa bayan ng Calatrava, kumuha ako ng labing-walong (18) yunit sa National Teachers College sa ilalim ng Career Enhancement Program bilang requirement sa Teacher Board Exam. Taong 2008, naipasa ko ang Teacher Board Exam,” sabi niya.
Para mas lalong mapalago ang sarili, noong 2013, pumasok ulit siya sa kolehiyo at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Romblon State University-Calatrava Campus. “Taong 2016, nakuha ko ang aking Diploma bilang patunay na natapos ko ang aking pag-aaral, at sa parehong taon din na yun ay nakuha ko ang aking lisensiya bilang Agriculturist. Nakapagsimula na rin akong mag-enrol ng Masteral sa Agriculture sa parehong unibersidad. At nung Nobyembre 2021, matagumpay kung nadepensahan ang titulo ng aking aklat. Masyadong matagal na taon bago napagpatuloy ulit ang aking Masteral dahil sa kakulangan sa pera. Pero naniniwala ako na kung may pangarap ka sa buhay ay makukuha mo yun kahit ilang taon pa ang antayin. Katulad ng trabaho ko bilang public servant, ilang taon din ang ginugol ko bago ako nakatulong sa aking mga kababayan”, wika niya.
Bagong pananaw, serbisyong angat
Sa umpisa ng pagiging AT ni Gng. Grace, ay nakaranas siya ng culture shock sa laki ng responsibilidad na nakaatang sa kanya. Sabi niya, dumating pa sa punto na gusto na niyang sumuko at bumalik sa dati niyang trabaho dahil iniisip niya na walang katapuran ang kanyang mga ginagawa. Subalit nabago ang lahat dahil sa tulong ng Agricultural Training Institute (ATI).
“Pinadala ako ng aming opisina upang dumalo sa pagsasanay na pinamumunuan ng ATI at ito ang unang pagsasanay na aking nadaluhan bilang AT. Sa totoo lang, ito ay sobrang nakatulong sakin upang mabago ko ang aking pananaw at masimulan ko ang pangarap ko sa mga magsasaka sa aming bayan. Sa loob ng isang taong aktibong pagdalo sa mga pagsasanay ng ATI, sa tulong ng mga namumuno sa aming bayan at sa Municipal Agriculture Office ng Calatrava, nakabuo ako ng mga inisyatibong programa at proyekto sa aming lugar para sa aming mga kliyente. Sana magpapatuloy pa ang mga pagsasanay ng ahensya para sa aming mga katulad na AEW,” kwento niya.
Dahil sa kanyang pagpursige, sa tulong ng ATI, nabigyan ng libreng pagsasanay ang mga magsasaka sa kanilang lugar. Bukod dito, lumawak din ng koneksyon ng opisina sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno na naging daan upang mabigyan ito ng mga makinarya para sa pagsasaka at organikong pasilidad. Higit sa lahat, siya din ang naging daan upang magkaroon ng Farmers Information Technology Services (FITS) Center ang kanilang bayan. Sa pamamagitan ng FITS, mas napadali ang paghahatid ng makabagong impormasyon at teknolohiya sa pagsasaka sa kanilang lokalidad.
Proyektong para sa lahat
Kahit abala sa ibang tungkulin, patuloy na nangarap si Gng. Grace para sa ikauunlad ng mga magsasaka sa kanilang bayan. Taong 2019, inilapit niya sa ATI na mabigyan ng Barangay FITS Kiosk ang tatlong aktibong barangay sa kanilang lugar. Dahil sa patuloy na pagbibigay ng suporta ng ATI sa FITS-Calatrava, noong Hulyo 30, 2021, nagkaroon ng Barangay FITS Kiosk ang Brgy. Poblacion, Brgy. Talisay at Brgy. Linao. Nabigyan ito ng mga kagamitan at sari-saring babasahin na magagamit nila sa pagpapatupad ng Techno Gabay Program sa kanilang lugar.
”Ang pagkakatatag ng proyektong ito ay naging instrumento upang ang karamihan sa aming kababayan na mahihirap ay madaling makakuha ng serbisyo ng aming opisina tungkol sa pagsasaka, ano mang oras nila kailangan. Dahil sa Barangay FITS Kiosk, hindi na nila kailangan pang mamasahe para lang pumunta sa Municipal Agriculture Office. Ito ay nagsisilbing maliit na opisina ng Agriculture sa barangay,” pagbabahagi niya.
Aniya, ang pagkakaroon ng ganitong proyekto ay isa sa mga maii-konsider niya na malaking tagumpay sa kanyang trabaho bilang AT sa kanilang bayan. Sabi niya, kailan man ay hindi siya susuko, bagamat patuloy pa siyang mangangarap at magiging aktibo para sa mga proyekto na makakapagbigay kaunlaran sa kanyang mga kababayan.