Libreng inbred seeds handog ng RCEF, tuluy-tuloy ang pamimigay

Ayon sa datos, humigit kumulang 640,614 sako ng binhi ang naibahagi na sa mga magsasaka mula huling linggo ng Oktubre hanggang Disyembre 15. Tinatayang nasa 320,307 ektarya na ang maaaring mataniman ng certified inbred seeds mula sa RCEF-Seed Program.

Tuluy-tuloy pa rin ang pamimigay ng dekalidad na inbred seeds mula Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF para sa mataas na ANI at KITA .

Ang mga bayan sa Sanchez Mira, Claveria, at Baggao sa Cagayan at mga bayan ng San isidro, San Pablo at Gamu sa probinsya ng Isabela ay naka-iskedyul na mabigyan ng binhi ngayong Disyembre 20.

Makatatanggap ng binhi ang mga magsasakang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA. Pakidala ang iyong RSBSA stub at isang valid ID sa araw ng pamimigay ng binhi.
Ang dami ng binhing matatanggap ay ayon sa sukat ng lupa. Isang sako o 20 kg na binhi ang matatanggap kada kalahating ektarya ngunit hindi lalagpas sa apat na sako para sa bawat magsasaka.
Ayon sa mga pag-aaral, sapat na ang 40kg na binhi kada ektarya sa bilang na 2-3 punla bawat tundos na may 20cm x 20 cm na agwat sa dry season.
Sa pangunguna ng DA-PhilRice, katuwang ang DA regional field offices at mga lokal na pamahalaan, ang RCEF-Seed Program ay naglalayung mapataas ang ani gamit ang dekalidad na binhi.
Kabilang sa ipinamahagi ang tatlong (3) national recommended varieties tulad ng NSIC Rc 222, 160, at 216; may 2 regional recommend varieties din na akma sa rehiyon na napatunayang maani at matibay sa sakit at peste.

Makapipili ang mga magsasaka sa mga varieties na ito depende sa available na supply sa araw ng bigayan.

Paunawa lang na ang schedule ng distribution ay maaaring mabago depende sa availability ng binhi at lugar na pagdadausan. Magtanong lamang sa inyong MAO.
Para sa karagdagang impormasyon, magtext o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. (Text by Philippine Rice Research Institute; Photos from PhilRice Isabela Facebook Page)